Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sisimulan ang paggawa sa tulay na mag-uugnay sa mga lalawigan ng Cavite at Bataan bago magtapos ang 2025. Ang biyahe ngayon sa Mariveles, Bataan hanggang Naic, Cavite na umaabot ng limang oras, magiging 45 minuto na lang umano kapag nagawa ang tulay.
Ang Bataan-Cavite Interlink Bridge project, na magiging isa sa pinakamahabang tulay sa ibabaw ng dagat sa mundo ay popondohan sa pamamagitan ng multi-tranche financing scheme, na sasagutin ng Asian Development Bank ang $2.1 bilyon, habang popondohan naman ng Asian Infrastructure Investment Bank ang $1.14 bilyon.
“Bago matapos ang taon, magsisimula na ang Bataan-Cavite Interlink Bridge. Ang tulay na ito ay tatlumpu’t dalawang kilometro ang haba, at tatawid ng Manila Bay,” sabi ni Marcos sa kaniyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa sa Quezon City.
“Kung ang biyahe ngayon mula Mariveles hanggang Naic ay umaabot nang limang oras, balang araw ito ay magiging apatnapu’t limang minuto na lamang,” anang pangulo.
May habang 32.15 kilometro, ang proyekto na pag-uugnayin ang Rehiyon III at IV-A, na nagsusulong ng ekonomiya at turismo sa nasabing mga lugar.
Mahahati sa proyekto ang pitong contract packages, na ang konstruksiyon ay magsisimula muna sa dalawang on-land packages.
Ang Package 1 ay ang 5-kilometer Bataan Land Approach, habang ang Package 2 ay ang 1.35-kilometer Cavite Land Approach.
Ang package 3 at 4 ay mga marine viaduct sa hilaga at timog na may kabuuang haba na 20.65 kilometro.
Ang mga package 5 at 6 ay ang North Channel at South Channel Bridges na may habang 2.15 at 3.15 kilometro.
Sakop naman sa ikapitong package ang ancillary works sa buong proyekto.
Magkakaroon ang tulay ng apat na linya at inter-island, na mag-uugnay sa Barangay Alas-asin sa Mariveles, Bataan, at Barangay Timalan Concepcion sa Naic, Cavite.
Magkakaroon ng dalawang navigational bridge ang tulay, na 400-meter North Channel Bridge at ang 900-meter South Channel Bridge, na inaasahang dadaan sa Corregidor Island. Halos 80% ng estruktura ay nasa ibabaw ng dagat.
