Ramdam ang bayanihan sa patuloy na pagtulong sa mga komunidad na naapektuhan ng lindol sa Cebu ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, sa pamamagitan ng kanyang Tulong Medikal at Emergency Response Department (ERD) caravan.
Mula October 21 hanggang 23, 2025, nakatulong ang team ni Cayetano sa 989 residente sa mga lugar ng San Remigio, Medellin, at Tabogon sa pamamagitan ng libreng serbisyo tulad ng stress-debriefing, medical at psychological consultations, gamutan sa mga maliit na sugat, pasa, at bali, anti-tetanus shots, bagong mga bakuna, at isang buwang suplay ng gamot para sa maintenance at karaniwang sakit.
Namahagi rin sila ng hot meals, tubig, at trapal sa lahat ng mga apektadong residente, kabilang sa mga lugar na kulang ang tulong.

Natuwa rin ang mga bata sa mga storytelling at coloring activities na nagbigay ng aliw at pag-asa sa gitna ng pagsubok. Lahat ng ito ay ginawa kasama ang suporta nina Cebu Governor Pam Baricuatro, San Remigio Mayor Mariano Martinez, Medellin Mayor Edwin Salimbagon, at Tabogon Mayor Francis Salimbangon.
Kamakailan din ay naghatid ng tulong ang Cayetano team sa bayan ng Borbon para ipamahagi ang mga folding tent at kumot, bilang tugon sa kahilingan ni dating Borbon Vice Mayor Roy Melgo. Patuloy ang pagbangon ng Cebu — at patuloy ang pagtulong ni Senador Cayetano sa bawat hakbang.
