KAWIT, CAVITE — Sa kabila ng unos na dumaan, nanatiling matatag at nagningning ang diwa ng kasaysayan at kultura sa bayan ng Kawit. Ang buwan ng Agosto ay hindi lamang naging pagdiriwang ng Araw ng Kawit, kundi pagkakataon ding isabay ang Buwan ng Kasaysayan, Linggo ng Kabataan, Buwan ng Wika, at Pambansang Araw ng mga Bayani—mga okasyong nagpaalala sa kahalagahan ng ating pinagmulan at pagkakakilanlan.
Payak man ang naging selebrasyon ng Araw ng Kawit matapos ang pinsalang dulot ng bagyo, hindi nagpatinag ang Tanggapan ng Turismo upang maisakatuparan ang mga programang may saysay para sa mamamayan. Isa sa mga tampok na gawain ang “Pamana: Museo bilang Instrumento sa Pagbabaliktanaw”, katuwang ang Museo ni Baldomero Aguinaldo. Dito, muling nasilayan ng kabataan ang yaman ng nakaraan—hindi lamang bilang lumang alaala, kundi bilang gabay tungo sa mas makulay na kinabukasan.
Kasabay nito, idinaos ang KABITEsaysayan 2025: Youth Works – Heritage Movement in the Province of Cavite, sa pakikipagtulungan ng Museo ni Emilio Aguinaldo. Layunin nitong hikayatin ang kabataan na mas mapalapit sa kasaysayan at pamana ng kanilang bayan.
Isa pang mahalagang programa ang Kawit Heritage Tour, kung saan binisita ng mga dumalo ang mahahalagang pook-kasaysayan ng bayan kabilang ang:
* Museo ni Emilio Aguinaldo
* Simbahan ng Kawit – Pandiyosesanong Dambana at Parokya ni Sta. Maria Magdalena
* Liwasang Aguinaldo
* Museo ni Baldomero Aguinaldo
* Tribunal ng Kawit
* Monumento ng Labanan sa Binakayan at Hen. Candido Tria Tirona
* Municipal Hall ng Kawit
Layunin ng tour na maipakilala at mapahalagahan ang makasaysayang yaman ng bayan. Lumahok dito ang mga kabataan mula sa Local Youth Development Office (LYDO), iba’t ibang paaralan ng DepEd Kawit, mga mag-aaral ng Brickwood School, miyembro ng Persons with Disability Office, tour operators mula sa CALABARZON Alliance of Independent Tour Operators (CAITO), at mga mamamayan at bisita.
Hindi rin nagpahuli ang sining ng pelikula sa pagbibigay ng aral sa kasaysayan. Tampok ang film showing ng “El Presidente: General Emilio Aguinaldo Story and the First Philippine Republic” ni Mark Meily, na nilahukan ng mga mag-aaral mula sa pampublikong paaralan.
“Ang mga ganitong programa ay nagsisilbing tulay ng nakaraan at kasalukuyan,” pahayag ng Tanggapan ng Turismo ng Kawit. “Layunin naming higit pang linangin ang kamalayan sa kasaysayan at ipamana sa susunod na henerasyon ang aral na iniwan ng ating mga ninuno.”
Sa bawat hakbang ng paggunita, muling ipinapakita ng Kawit na ang kasaysayan ay hindi lamang nakaukit sa aklat o monumento—ito’y patuloy na humihinga sa bawat mamamayang marunong umalala, magpasalamat, at magpahalaga. (Sulat ni Rhouz Hernielle G. Camposanto)
