Team Imus para sa mas maunlad, maayos, mas makatarungang lungsod

Marso 20, Imus City — Sa isang Kapehan sa Media, humarap sa isang grupo ng Cavite newspaper publisher ang Team Imus at inilahad ang paninindigan at programa sa mga botante ng siyudad sa darating na May 12 midterm elections.

Pinangunahan ni dating Mayor Emmanuel L. Maliksi ang balitaan, kasama si Kap Robert Rey ‘RR, Lacson, kandidatong alkalde, at ang buong tiket nito sa Sanggunian Panlungsod.

Sinabi ni Maliksi, kandidatong kongresista ng Cavite 3rd District (Imus City) na sila ni Kap RR ay nanindigang maitaguyod ang isang  mas maunlad, mas maayos, at mas makatarungang lungsod para sa mamamayang Imuseno.

Sa madamdaming pahayag, inihayag ni Maliksi ang maraming reklamo ng mamamayan sa umiiral na di-kasiya-siyang pamamalakad ng kasalukuyang namumuno sa lungsod.

“Aming layunin na  Ibalik ang Puso sa pagseserbisyo sa pamamagitan ng mga programang direktang makikinabang ang bawat Imuseño—mula sa negosyo at hanapbuhay, hanggang sa kalusugan, edukasyon, at serbisyong pampubliko,” sabi ni Maliksi.

Inihayag naman ni Kap RR Lacson na isa sa unang tutukan niya kung manalong alkalde ang programa sa Kalusugan.

“Atin pong ibabalik ang maayos at maaasahang serbiyong medikal sa ating Ospital ng Imus,” sabi ni Kap RR.

Ikinalungkot niya ang hirap na dinadanas ng mahihirap na maysakit na lumalapit sa ONI para magpagamot.

Sa kanyang administrasyon, sinabi ni Kap RR na wala nang g ₱10,000 paunang-bayad para sa agarang gamutan.

“Paano kung walang pera ang pasyente.  Karapatan ng maysakit na magamot agad sa ating public hospital at kung walang P10,000, paano na?” sabi ni Lacson.

Magbibigay sila ng Health Card para sa taxpayers — na libreng gamutan sa ONI.

Magpapatupad sila ng libreng dialyis at iba pang serbisyong medikal, sabi ni Kap RR.

Gagawing business-friendly ang pagnenegosyo sa Imus, sabi ni Lacson, at gagawin niya na libre ang  business permit sa unang taon para sa maliliit na negosyante.

“Barangay permit na lang sa susunod na taon para mas tipid at mas maayos ang kita,” ni Lacson na isang kilalang matagumpay na businessman.

Sabi pa ni Kap RR, magbibigay sila ng tax amnesty para bawas-pasaning surcharge at penalties, at dagdag na tulong pinansiya sa mga senior citizens at libreng gamot na ihahatid sa  bahay.

Bukod pa  ang Wellness Programs: libreng pustiso, libreng operasyon sa katarata, libreng eye check-up at salamin sa mata.

Ilan pa sa programa ay ang libreng prangkisa sa mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) ng Imus para sa mas ginhawang pasada.

At ang tulong pangkabuhayan sa mga solo parents at PWDs, kasama ang kaloob ng pagsasanay at paunang kapital sa negosyo.

Mas pinalawak na  scholarship program at de kalidad na edukasyon sa kabataang Imuseno.

Upang mapagaang ang dalahing pinansiyal, sinabi ni Kap RR na ipatutupad ang abot-kayang singil sa buwis sa amilyar at mga bayad sa pagnenegosyo.

“Hindi dapat na pineperwisyo ang negosyo.  Kung maunlad ang negosyo, uunlad ang siyudad, sasagana ang buhay at kabuhayan ng ating kababayang Imuseno,” sabi ni Kap RR.

Inihayag naman ng mga kandidatong konsehal na buo ang suportang ibibigay nila sa administrasyon ni Kap Lacson.

“Ipaglalaban natin ang lahat ng programang perwisyo sa negosyo, at pagpapaluwag sa mga nais magkatrabaho at magnegosyo,” sabi ni Kap RR na sinang-ayunan ni Maliksi at ng mga katiket sa Team Imus.

Humarap sa media ang mga kandidato sa Sangguniang Panlungsod na  sina dating Konsehal Miong Aguinaldo, Vince Amposta, Mon Arguelles, at Rupert KidBukid Campan, Dada de Ocampo, dating Konsehal Oca de Quiroz,  Atty. Dulce  Saquilayan Delmo, dating Konsehal LA Deocadis,  Claro Dominguez, reeleksiyonistang Konsehal Jelyn Maliksi at dating Konsehal Dondon Yambao. /ET

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *